-- Advertisements --

Nanindigan ang Bureau of Immigration (BI) na walang record ng anumang pagbiyahe sa labas ng bansa ang puganteng business tycoon na si Atong Ang.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na posibleng tumakas si Ang patungong Cambodia kasunod ng inisyung arrest warrants laban sa kaniya kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, base sa record ng Immigration, lumalabas na walang kamakailang departure o pagbiyahe sa labas ng bansa si Ang.

Minamanmanan naman aniya ng Philippine Coast Guard at local force enforcement ang mga illegal migration corridors at kung sakaling may mamataang illegal crosser agad na ipinagbibigay-alam sa Bureau of Immigration para masuri ang kanilang records.

Subalit, hanggang sa ngayon wala pa aniyang koordinasyon sa kanila, na nangangahulugang wala pang na-intercept o naharang.

Nauna nang sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na kumpiyansa ang mga awtoridad na nananatili sa Pilipinas si Ang bagamat hindi nila isinasantabi ang posibilidad na nasa Cambodia ito dahil mayroon umanong sinet-up na online sabong si Ang doon.

Samantala, inihayag ng kalihim na posibleng hingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tulong ng gobyerno ng Cambodia para arestuhin si Ang sakaling makumpirma ang naturang impormasyon.