Pinapalakas ng pamahalaan ang pagtutulungan sa mga lalawigan, lungsod, at LGUs upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan na mas matibay at moderno ang disenyo.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang bisitahin nito ang Mariveles National High School – Cabcaben Annex (Alasasin) sa Bataan.
Personal na ininspeksyon ng Pangulo ang mga newly installed prefabricated classrooms, obserbahan ang paggamit ng Xepto Learning Management System (XLMS), pangunahan ang turnover ng mga learning tablets ng Provincial Government ng Bataan sa nasabing eskwelahan.
Ininspeksyon din ng Pangulo ang medical mission ng Department of Education’s (DepEd) Yaman ng Kalusugan (YAKAP) at Kalinga services sa nasabing eskwelahan.
Ayon sa Pangulo, kayang tumagal ng mga bagong classroom hanggang magnitude 8 na lindol at 300 kph na lakas ng hangin, at may 20-taong warranty.
Mas mabilis din umano ang produksyon nito.
Samantala, palalawakin pa ang programang YAKAP at iba pang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng dagdag na pondo ng PhilHealth matapos maibalik ang P60 bilyon sa badyet nito.
Sa gitna ng krisis sa langis dulot ng tensyon sa Middle East, tiniyak ng Pangulo na may sapat na suplay ng langis at pagkain sa bansa, habang naghahanap ng alternatibong mapagkukunan at paraan upang mapababa ang presyo ng mga bilihin.
Magbibigay rin ng subsidiya ang pamahalaan sa mga sektor na apektado, kabilang ang transport workers, upang hindi sila malugi kahit pansamantalang ipagpaliban ang taas-pasahe.
Dagdag pa rito, inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na magbawas ng 10% sa konsumo ng enerhiya at pinalalakas ang paggamit ng solar power upang makatipid at mabawasan ang pressure sa power supply ng bansa.
















