-- Advertisements --

Nanganganib na maibasura ang inihain na reklamo laban kay Senator Ronald Bato dela Rosa kaugnay ng kanyang patuloy na pagliban sa trabaho maliban na lamang kung aamyendahan ang panuntunan ng mataas na kapulungan.

Ayon kay Senate Committee on Ethics and Privileges Chairman Senator JV Ejercito nitong Miyerkules, walang probisyon patungkol sa no work, no pay sa ilalim ng kasalukuyang rules of the Senate o maging sa kanyang komite.

Upang umusad ang kaso, paliwanag ng mambabatas na kailangan muna itong imungkahi ng isang senador upang pormal na maisama ang polisiya sa kanilang mga panuntunan bago muling ihain ang reklamo.

Nilinaw din ni Ejercito na diringgin ng komite ang mga kaso base sa first in, first out na sistema.

Ang reklamo laban kay Dela Rosa ay pang-anim sa siyam na pormal na reklamong nakahain sa komite as of March 18.

Posible umanong talakayin ng mga miyembro ang pag-amyenda sa panuntunan bago sumapit ang pagdinig para kay Dela Rosa.

Inihain ng civil society group na Wag Kang KuCorrupt ang ethics complaint noong Pebrero 25, 2026.

Hinihimok ng grupo ang Senado na imbestigahan ang senador dahil ang hindi nito pagpasok ay maituturing umanong pagpapabaya sa tungkulin at pang-aabuso sa pribilehiyong ibinigay ng taumbayan.

Matatandaang hindi na dumadalo sa anumang sesyon at walang anumang public appearance si Dela Rosa simula pa noong Nobyembre 2025 matapos na ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa dahil sa madugong war on drugs, kung saan tinukoy siya bilang isa sa mga co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.