-- Advertisements --

Suportado ni House Speaker Bojie Dy III  ang naaprubahang substitute bill ng House Committee on Public Information para sa proposed Right to Information (RTI) Act ng 2026. 

Ayon kay Dy, layunin ng batas na ito na bigyan ng kapangyarihan ang mamamayan at palakasin ang laban ng bansa kontra katiwalian.

Sinabi ni Dy na kapag ang mamamayan ay may access sa impormasyon, magagamit ito bilang mabisang instrumento sa laban kontra katiwalian dahil ang kaalaman ay kapangyarihan.

Ipinaliwanag din ni Speaker Dy na ang transparency ay pangunahing proteksyon laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan. 

Kapag may access ang publiko sa impormasyon, mas maayos nilang masusuri ang kilos ng pamahalaan at mapananagot ang mga institusyon.

Inaprubahan ng House Committee on Public Information, na pinamumunuan ni Rep. Lordan Suan, ang substitute bill at committee report nitong Martes. 

Layunin ng panukala na ipatupad ang konstitusyonal na karapatan ng mamamayan sa impormasyon at tiyakin ang buong public disclosure sa mga transaksyon ng pamahalaan na may pampublikong interes.

Ayon kay Rep. Suan, ang panukala ay nagpapalakas ng prinsipyo na ang impormasyong hawak ng pamahalaan ay pag-aari ng taumbayan at dapat maging bukas upang magkaroon ng makabuluhang partisipasyon sa pamamahala. 

Idinagdag niya na ang mga nakaraang panukala ay matagal nang nakabinbin sa Kongreso, ngunit sa 20th Congress, mas malapit nang maisabatas ang RTI bilang hakbang sa pagpapalakas ng accountability at public access sa impormasyon.