-- Advertisements --

Inaasahan ng House Prosecution panel na haharap sa impeachment trial sa Lunes, Setyembre 28, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang testigo laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, nakahanda ang prosecution na iharap si Baste bilang hostile witness at tinatayang isang oras o mas maikli lamang ang kanilang pagtatanong dahil pangunahing cross-examination na lamang umano ang natitira.

Inatasan ng Senate impeachment court si Baste na humarap mula Setyembre 28 hanggang 30 at magdala ng mga rekord ng Davao City Government kaugnay ng Gencorp industries INC. at mga kumpanyang nagpapatakbo ng Jollibee branches mula 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Kabilang ang Gencorp sa mga kumpanyang idineklara ni VP Sara bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets Liabilities and Net worth .

Ayon sa Davao City Government, mayroon itong 19 kontrata sa Gencorp na nagkakahalaga ng p33.2 milyon.

Sinabi naman ni Baste na hindi lumilitaw ang pangalan ng kanyang kapatid o ang apelyidong Duterte sa mga kaukulang kontrata.

Gayunman, sinabi ni Luistro na wala pang kumpirmasyon mula kay Baste kung haharap siya sa Lunes.

Aniya, nananatiling epektibo ang subpoena at bahagi Ito ng compulsory power ng impeachment court.

Kung hindi siya dadalo, maaaring hilingin ng prosecution ang contempt, habang maaari ring maglabas ang impeachment court ng panibagong subpoena o contempt order.