-- Advertisements --

Sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan na handa siyang umalis agad ng Pilipinas kung ideklara siyang persona non grata ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng tumitinding panawagan mula sa ilang mambabatas laban sa umano’y mapanghimasok at bastos na pahayag ng Chinese Embassy kaugnay ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa tagapagsalita ng embahada na si Ji Linpeng, tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpaalis ng isang ambassador, at iginiit nitong ipagtatanggol ni Jing ang interes at dignidad ng China “with immense pride and honor.”

“There is but one person who has the authority to ask Ambassador Jing Quan to leave, and that is President Marcos,” ani Ji.

“If he were to receive such notice from President Marcos, he would depart immediately.”

Dagdag pa ni Ji, kung idedeklara naman bilang persona non grata si Chinese Embassy in the Philippines Deputy Spokesperson Guo Wei, dapat isama siya at 12 pang miyembro ng kanilang media affairs at diplomacy team.

“As a team, we stay or leave, together,” tugon pa nito sa pahayag.

Maalalang tumaas ang tensyon nang usaping diplomatiko matapos magpalitan ng pahayag ang Chinese Embassy at ilang opisyal ng Pilipinas, kabilang si Philippine Coast Guard West Philippine Sea spokesperson Jay Tarriela.

Inakusahan ng embahada ang mga Pilipinong opisyal ng umano’y pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa China, bagay na umani ng batikos mula sa mga mambabatas.

Ilang senador din ang nagsabing lumampas sa hangganan ng diplomasya ang mga pahayag ng embahada at maituturing na panghihimasok sa panloob na usapin ng bansa.

Dahil dito iminungkahi ni Senador JV Ejercito ang pagpapalit sa Chinese ambassador, habang hinikayat naman ni Senate President Tito Sotto na pag-aralan ang pagdedeklara ng persona non grata laban sa deputy spokesperson ng Chinese Embassy na si Guo Wei.