Binigyang diin ng Kataas-taasang Hukuman na tanging naaping asawa lamang ang maaring maghain ng reklamong adultery.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., binaligtad ng Second Division ng Korte Suprema ang naging pasya ng Regional Trial Court na nag-utos na muling buhayin ang kasong adultery laban kina Aurel at Michael.
Ayon sa Korte Suprema, ang adultery o pangangalunya ay maituturing bilang isang ‘private crime’ na maari lamang isampa ng offended spouse o naaping asawa.
Ipinaliwanag din nila na ang panuntunan ito ay bilang konsiderasyon sa naagrabyadong partido na posibleng nais gawin pribado ang usapin nang hindi dumadaan sa ‘public trial’.
Binibigyan anila ang naaping asawa ng pagkakataon makapamili o madesisyunan kung dadalhin ito sa korte o pribadong pagsasa-ayos na lamang.
Sa pagsang-ayon opinyon, panawagan ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen ng istriktong aplikasyon ng batas sa pag-usig ng mga pribadong krimen.
Subalit kanyang iginiit na ang relasyon sa pagitan ng mag-asawa, kabilang pati infidelity o pagtataksil ay pribadong usapin na siyang hindi na dapat pinanghihimasukan ng gobyerno.
















