Pinag-aaralan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng custodial hearings na magbibigay-daan sa mga trial court na magpasya kung maaaring isailalim ang isang akusado sa mga alternatibong paraan ng detensyon tulad ng house arrest, hospital arrest, at iba pa.
Inihayag ito ni Chief Justice Alexander Gesmundo kasabay ng pagbubukas ng ikalawang National Decongestion Summit.
Isa umano ito sa mga naging resulta ng unang summit upang matulungan ang mga matatanda, may sakit, at mga buntis na Persons Deprived of Liberty (PDLs). Kasama rin dito ang compassionate release para sa mga kritikal ang kalagayan at furlough naman para sa mga buntis o nagpapasusong kababaihan.
Bahagi ang panukala ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027 ng Korte Suprema na layong mabawasan ang siksikan sa mga kulungan.
Sinimulan na rin ng Korte Suprema ang rebisyon ng Rules of Criminal Procedure, at kabilang na rito ang probisyon para sa custodial hearings na kasalukuyang tinatalakay ng Court en banc.
Sa mga nakalipas na pagkakataon, pinayagan na ang alternatibong detensyon sa kaso noon nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Pangulong Joseph Estrada.
















