Inamin ng Department of Justice na wala silang ginagawang hakbang upang humiling sa Kataas-taasang Hukuman na madaliin ang pagresolba sa mga petisyon may kinalaman sa kaso ni former Pres. Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang mas may interes na maghain ng ganitong apela sa Korte Suprema ay ang mga petisyuner hinggil sa isyu.
Meron aniya silang pagkakataon upang magkaroon ng agaran desisyon o resolusyon ang hukuman sa mga petisyon kumukestyon sa legalidad ng pagkakaaresto sa dating pangulo tungo sa The Hague, Netherlands.
Ibinahagi ng tagapagsalita na ang isa na rito ay ang opsyon paghahain ng ‘motion for early resolution’ sa panig lalo na ng mga petisyuner.
Kalakip at nakapaloob raw dito ang mga ‘grounds’ o rason kung bakit dapat pagbigyan ng Korte Suprema ang mosyon at agahan ang pagresolba sa kaso.
Kaugnay ang pahayag ng kagawaran matapos nitong panindigan ang posisyon hihintayin ang desisyon ng Korte Suprema sa mga nakabinbin petisyon ukol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Hihinitayin raw kasi ng Justice Department ang resolusyon bago gumawa ng hakbang sakali man mayroon nang ilabas na arrest warrant ang International Criminal Court laban sa ilang mga indibidwal.
Nitong nakaraan lamang din kasi ay pinangalanan na ng International Tribunal ang mga co-perpetrators ni Duterte sa pagpapatupad ng war on drugs.
Kabilang dito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at iba pang opisyal namuno sa nakalipas na administrasyon.
Subalit sa kabila nito, wala pa ring opisyal na kumpirmasyon kung mayroon ng naisyung warrant laban sa mga nabanggit.
















