Pinaboran ng Korte Suprema ang Department Circular No. 15, Series of 2024 ng Department of Justice (DOJ), na nagpapataas sa pamantayan ng ebidensyang kinakailangan bago pormal na makapagsampa ng kasong kriminal ang mga piskal.
Ayon sa desisyon ng SC En Banc na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, ang naturang circular, na mas kilala bilang 2024 DOJ-National Prosecution Service Rules on Preliminary Investigation and Inquest Proceedings, ay isang balidong pagpapatupad ng kapangyarihan ng DOJ.
Ang polisiya ay inilabas noong panahon ni dating DOJ Secretary at kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Boying Remulla.
Ayon sa bagong panuntunan, itinaas ang pamantayan ng ebidensya mula sa probable cause patungo sa prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.
Ibig sabihin, bago magsampa ng kaso sa korte, kinakailangang siguruhin ng mga prosecutor na malinaw na mapatutunayan ng mga ebidensya ang lahat ng elemento ng krimen.
Layunin nitong tiyakin na ang mga isasampang kaso ay may sapat na bigat upang umasa ng conviction, at upang maiwasan ang pagsasampa ng mga kasong walang sapat na batayan.
Inaasahang magdudulot ito ng malaking pagbabago sa proseso ng prosekusyon sa bansa.















