-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na dapat galangin ng Quezon City Regional Trial Court ang magiging desisyon ng Korte Suprema ukol sa kanilang inihain petisyon. 

Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ng ikalawang pangulo, sakaling pagbigyan ng Kataas-taasan Hukuman ang kanilang kahilingan, kinakailangan aniya itong galangin ng naturang hukom. 

Sa petisyon inihain ng bise presidente, kanyang hiniling sa Korte Suprema na mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order upang mapigilan sana ang pag-usad ng kaso at maipawalang bisa ang impormasyon isinampa ng Department of Justice. 

Bagama’t naghain ng ‘Urgent Motion to Resolve’ ang akusadong ikalawang pangulo, sa kasalukuyan ay wala pa ring resolusyon at patuloy na nakabinbin sa Kataas-taasang Hukuman. 

Habang wala pang inilalabas na desisyon ang hukuman, ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, nasa Regional Trial Court na ang pasya kung ipagpapatuloy ang pagbasa ng sakdal sa akusado. 

Tumanggi nang ibahagi ng abogado ang partikular na ‘grounds’ sa inihain nilang petisyon sa Korte Suprema dahil sa sinusunod umanong ‘sub judice rule’. 

Gayunpaman, ang petisyon aniya ay layon kwestyunin ang hurisdiksyon ng Quezon City Regional Trial Court sa paghawak nito ng mga kasong isinampa kontra sa bise presidente. 

Naninindigan kasi ang kampo nito na hindi pa maaaring makasuhan ang akusado sapagkat meron tinatawag na ‘limited procedural immunity’ ang isang ‘impeachable officer’. 

Magugunitang nitong Biyerne, October 9, 2026 ay kinansela muna ng Quezon City Regional Trial Court Br. 98 ang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte dahil sa nakabinbin mosyon at petisyon ng kampo nito. 

Nahaharap sa tatlong bilang ng kasong ‘grave threats’ ang bise presidente may kinalaman sa pagbabanta sa buhay nina Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.