-- Advertisements --

Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang writ of habeas corpus ay isang legal na kautusan mula sa korte na nag-uutos sa awtoridad na iharap sa hukuman ang isang taong nakakulong upang suriin kung legal o may batayan ang kanyang pagkakadetine.

Sa memorandum na may petsang Enero 5, 2026, sinabi ng OSG sa pamumuno ni Solicitor General Darlene Berberabe na hindi maaaring ipatupad ang habeas corpus dahil nasa labas ng teritoryo ng Pilipinas ang dating Pangulo, at ang writ ay hindi epektibo sa labas ng bansa o “extraterritorial.”

Binigyang-diin din ng OSG na aktibong nakikibahagi ang dating Pangulo sa kanyang depensa sa International Criminal Court (ICC), kaya’t doon umano nakatuon ang kanyang mga legal na remedyo at hindi sa mga korte sa Pilipinas.

Hinimok din ang Korte Suprema na pairalin ang judicial restraint dahil ang pag-aresto at pagsuko sa dating Pangulo ay may kinalaman sa foreign relations na saklaw ng executive branch.

Ayon pa sa OSG, isinagawa ang pag-aresto sa pamamagitan ng international police cooperation kasunod ng diffusion notice, at alinsunod sa international law at Republic Act No. 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Tiniyak din ng OSG na iginalang ang mga karapatan at pribilehiyo ng dating Pangulo sa buong proseso.