-- Advertisements --

Nagbabala ang Commission on Population and Development (CPD) sa pagtaas ng mga pagbubuntis sa mga batang adolescent na wala pang 15 taong gulang. Bagama’t bumababa ang kabuuang bilang ng teenage pregnancies sa Pilipinas.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa 138,697 live births ng kababaihang may edad 10–19 noong 2024, 3,612 ay sa mga batang babae na mas bata sa 15, tumaas mula 3,343 noong 2023.

Sinabi ni CPD Undersecretary Lisa Bersales na habang patuloy na bumababa ang pagbubuntis sa edad 15–19 dahil sa umiiral na programa ng pamahalaan, tumataas naman ang kaso sa mas batang grupo.

Kabilang sa mga dahilan ang kahirapan, limitadong oportunidad sa edukasyon, at maagang exposure sa sekswal na nilalaman ng social media.

Binanggit din ni Bersales na kailangan ng mas localized na interventions, kasama ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at barangay, at pag-target sa mga kabataan sa paraan na naiintindihan nila.

Hinihikayat niya na ang mensahe ay dapat nakasentro hindi lamang sa sex education kundi sa pagtuturo sa mga bata tungkol sa kanilang mga pangarap at layunin sa buhay.

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang papel ng mga paaralan at guro sa pagpigil ng adolescent pregnancies, at dapat magkaroon ng synchronized efforts sa lahat ng LGUs upang masiguro na magkakatugma ang mga programa sa buong bansa.