Malaking dagok ang tinamo ng sektor ng konstruksyon matapos lumabas ang malawakang katiwalian sa mga flood control projects, ayon sa National Union of Building & Construction Workers (NUBCW).
Sa isang panayam inihayag ni NUBCW Secretary General Santiago Nolla na mahigit 100,000 trabaho umano ang nawala matapos kanselahin ang mga permit ng mga contractor na sangkot sa iskandalo.
Ayon sa grupo, apektado hindi lamang ang direktang empleyado ng mga construction firm kundi pati na rin ang mga subcontracted workers na nakatalaga sa mga proyektong ito.
Naramdaman umano ang epekto ng iskandalo kasabay ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang unemployment rate noong nakaraang taon. Ipinakita ng full-year data na ang unemployment rate ay umanot sa 4.2% noong 2025, mas mataas kumpara sa 3.8% noong 2024.
Dahil dito nanawagan ang NUBCW ng agarang hakbang para suportahan ang mga nawalan ng trabaho at magpatupad ng reporma upang maiwasan ang katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura na direktang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga manggagawa.
















