-- Advertisements --

Nakahanda ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR) na ipatupad ang anumang warrant of arrest na ilalabas ng korte laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Ito ay kasunod ng nalalapit na pagsasampa ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y P75-milyong donasyon na natanggap nito noong siya ay kongresista pa bago ang kanyang pagtakbo sa Senado noong 2025.

Ang plunder ay isang kasong walang inirerekomendang piyansa.

Ayon kay CIDG NCR chief Col. John Guiagui, wala pa silang natatanggap na warrant of arrest laban sa sinumang mataas na opisyal, ngunit nakahanda ang CIDG na agad itong ipatupad kapag may inilabas na utos ang korte.

Nauna nang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit nang maisampa ang kaso laban kay Marcoleta.

Kasunod nito, nagsagawa ng kilos-protesta ang Iglesia ni Cristo bilang suporta sa senador at iginiit na ang kaso ay isang halimbawa ng “selective justice.”

Samantala, tiniyak ni Guiagui na nagpapatuloy ang manhunt operations ng CIDG laban sa iba pang mga akusadong nananatiling nagtatago kaugnay ng mga kaso sa umano’y flood control corruption scandal.