-- Advertisements --

Nanindigan si 1Sambayan spokesperson Atty. Howard Calleja na kung tuluyan nang kukunin bilang state witness si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa flood control scandal, dapat ay ibunyag na ng dating kalihim ang lahat ng sangkot sa nabunyag na korapsyon.

Dapat din aniyang maging malawak at makabuluhan ang kanyang testimonya.

Paliwanag ng batikang abogado, dapat ay saklawin ng testimonya ni Bonoan ang mga pangalan ng lahat ng opisyal, mga mambabatas, contractor, at iba pang posibleng sangkot sa nabunyag na kickback scheme sa flood control at iba pang public infrastructure projects.

Dahil matagal na sa serbisyo si Bonoan at nagsilbi rin sa iba’t ibang administrasyon, hindi lamang umano dapat limitado sa kasalukuyang administrasyon ang kanyang isisiwalat bilang state witness.

Dapat din aniyang isapubliko ng Philippine government ang testimonya ni Bonoan upang makita ng taumbayan kung sinu-sino ang malalaking pangalan na posibleng dawit sa flood control issue, at hindi ito itinatago sa publiko.

Mahalaga aniya na ang pagpasok ni Bonoan bilang testigo ay hindi lamang upang malusutan ang pananagutan, kundi maging daan para matukoy ang mas malalaking pangalan na sangkot sa anumang katiwalian.

Giit pa ng abogado, dapat ay mas malaki ang ibalik sa gobiyerno, sakali mang ituloy talaga ang pagtanggap sa dating kalihim bilang testigo ng estado.