Nanawagan ang mga mangingisda sa Zambales ng masusing imbestigasyon sa mahigit P319 milyong remittance mula China at Hong Kong na natanggap ng kumpanyang iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio, kasabay ng panawagan na protektahan ang karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kanilang manifesto na tinanggap nina Zambales Reps. Jefferson “Jay” Khonghun at Doris “Bing” Maniquiz, hiniling ng mga mangingisda sa Senado na suriin ang mga transaksiyon at alamin kung may opisyal na nagkompromiso sa karapatan ng bansa kapalit ng pansariling pakinabang.
Nilinaw ng mga mangingisda na hindi nila inaakusahan ang sinuman na may naganap nang palitan ng pabor, ngunit iginiit nilang kailangang ilantad ang katotohanan.
Ayon sa kanila, lalo nang nahihirapan ang mga mangingisda dahil sa presensiya ng mga barkong Tsino sa kanilang tradisyonal na pangisdaan. Napipilitan silang pumalaot nang mas malayo, gumastos nang mas malaki sa gasolina at umuwi nang kaunti o walang huli.
Hiniling din nila sa pamahalaan na palakasin ang proteksiyon sa mga mangingisda at magbigay ng sapat na tulong sa kabuhayan.
Giit nila, hindi politika o pakikipag-away sa China ang kanilang layunin, kundi ang malayang makapaghanapbuhay nang ligtas at mapayapa sa West Philippine Sea.










