Nag-negatibo sa ilegal na droga si Bise Alkalde Jeryll Harold Respicio ng Reina Mercedes, Isabela, matapos sumailalim sa drug test sa isang pribadong ospital sa Quezon City.
Isinagawa ang pagsusuri sa St. Luke’s Medical Center–Quezon City, kasunod ng panawagan ni Interior Secretary Jonvic Remulla na magpa-drug test si Respicio matapos ang mainit na komprontasyon nito sa isang barangay chairman sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Respicio na mahal ang isinagawang drug test.
“Jonvic, i-refund mo ako. Ang mahal ng drug test,” ani Respicio.
Nauna nang sinabi ni Remulla na hinahawakan ni Isabela Governor Rodolfo Albano III ang insidenteng kinasasangkutan ni Respicio, matapos mag-viral sa social media ang video ng mainit na komprontasyon ng bise alkalde at ilang opisyal ng barangay.
Naganap ang insidente habang tinatalakay ang mga proyekto na pinondohan, sa bahagi, ng tobacco excise tax, na nauwi sa mainit na argumento sa pagitan ng mga opisyal.
Ang insidente ay nai-livestream at kalaunan ay kumalat sa social media.
Samantala, sinabi ni Remulla sa isang panayam sa media na iminungkahi niya ang drug testing kay Respicio dahil sa umano’y asal nito sa nasabing insidente.
Ayon kay Remulla, “Governor Albano is handling it. Pero I advised him to give him a drug test kasi mukhang adik ’yung asal niya.”
Dagdag pa niya, “Dapat mag-focus siya sa health niya, itigil niya ’yang drugs.”
Sa kabila ng mga pahayag ni Remulla, nag-negatibo sa ilegal na droga ang isinagawang drug test kay Respicio.
















