BUTUAN CITY – Negatibo sa ipinagbabawal na droga ang mga bus, van, taxi, bajaj at modern jeepney drivers, kasama na ang mga konduktor, sa isinagawang surprise random drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Caraga kaninang umaga sa Langihan Premium Bus Terminal at Robinsons Bus Terminal sa lungsod ng Butuan.
Ayon kay regional spokesperson Dindo Abellanosa, katuwang nila sa naturang drug test na tinaguriang “Oplan Harabas” ang Land Transportation Office-Caraga, pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Drug Abuse Council o CADAC, kapulisan, at Highway Patrol Group o HPG.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, ipinaliwanag ni Abellanosa na layunin ng naturang drug test na matiyak na lahat ng mga driver at konduktor na bumibiyahe sa iba’t ibang lugar sa Mindanao ay hindi gumagamit ng ipinagbabawal na droga, pati na rin ang hindi pag-inom ng nakalalasing na alak.















