-- Advertisements --

Muling magbabalik ang Office of the Solicitor General (OSG) bilang counsel ng mga opisyal ng gobyerno kaugnay sa petisyon na kumukwestyon sa pag-aresto at pag-turn-over kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Matatandaan kasi na nauna ng tumanggi si dating SolGen Menardo Guevarra na katawanin ang mga opisyal na nangasiwa sa pag-aresto at pagturn-over sa dating Pangulo sa international tribunal. Nanindigan si Guevarra sa kaniyang posisyon na walang hurisdiksiyon sa bansa ang ICC.

Sa isang statement naman, ipinaliwanag ng kasalukuyang Solicitor General Darlene Berberabe na ang desisyon ng kaniyang tanggapan para muling katawanin ang gobyerno ay parte ng papel ng OSG bilang statutory counsel ng Republika at tungkulin niya na humarap at kumatawan sa interes ng pamahalaan, lalo na sa mga pinakamahalagang kaso.

Aniya, ang kanilang desisyon na muling maging kinatawan sa naturang kaso ay batay sa kanilang pagtingin sa kabuuan ng mga katotohanan, kasama na ang mga pangyayaring naganap mula noong Marso 2025 at sa kanilang pag-unawa sa batas kung paano ito dapat ilapat sa katotohanan.

Matatandaan, matapos tumanggi si dating SolGen Guevarra na katawanin ang gobyerno sa naturang kaso, tumayo ang Department of Justice bilang counsel ng mga respondent na government officials kabilang na sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin; dating Justice Secretary at kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla; Interior Secretary Jonvic Remulla; dating Philippine National Police chiefs Rommel Marbil at Nicolas Torre III; dating Foreign Secretary Enrique Manalo; at Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr.

Maaalala, noong March 11, 2025, nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Philippine National Police at Interpol sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court na nag-aakusa sa kaniya sa crimes against humanity kaugnay sa war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.