-- Advertisements --

Inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes ang House Bill No. 8042 o ang National Food Security Day Act, na nagtatakda ng Oktubre 16 bilang taunang pag-alala sa kahalagahan ng seguridad sa pagkain.

Ayon kay House Majority Leader Ferdinand “Sandro” Marcos, inaprubahan ang panukala ng 248 boto pabor,zero negative, at isang abstensyon. 

Layunin ng panukala na patuloy na mapanatili sa agenda ng pamahalaan ang laban kontra gutom at mataas na presyo ng pagkain, mula sa produksiyon ng mga sakahan hanggang sa wastong nutrisyon at pagbawas ng sayang na pagkain.

Itatalaga ang Department of Agriculture bilang lead agency sa taunang pagdiriwang, katuwang ang Department of Education, Commission on Higher Education, DILG, National Nutrition Council, at iba pang ahensya, upang maabot ang paaralan, komunidad, at iba pang stakeholder sa food system.

Kasama sa mandato ang pagdidisenyo ng mga programa at kampanya para sa seguridad sa pagkain, sariling produksyon, sustenableng agrikultura, nutrisyon, at pagpapahalaga sa mga magsasaka at mangingisda. 

Kinakailangang maglabas ang DA ng implementing rules sa loob ng 60 araw mula sa pagpapatupad ng batas.

Ayon kay Majority Leader Marcos, ipinapakita ng mabilis na pag-apruba ng House ang disiplinadong pagtatrabaho sa mga komite at plenaryo sa ilalim ng liderato ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na naglalayong protektahan ang pamilyang Pilipino at palakasin ang food system.