-- Advertisements --

Naghain sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis kapag may krisis sa ekonomiya o biglang pagtaas ng presyo ng langis sa mundo.

Sa ilalim ng House Bill No. 8292, maaaring ipatupad ito ng Pangulo kapag umabot sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwan, o kapag may pambansang kalamidad na nagdudulot ng matinding pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga Pilipino, lalo na sa mga magsasaka, mangingisda, transport operators, maliliit na negosyo at mga pamilyang mababa ang kita.

Kung maisasabatas, maaaring tumagal ang suspensyon ng buwis nang hanggang anim na buwan, na maaari pang palawigin ng Kongreso ngunit hindi lalampas sa isang taon. Kinakailangan ding magsumite ng ulat ang Pangulo sa Kongreso tungkol sa epekto nito sa presyo ng langis at inflation.