-- Advertisements --

Tiniyak ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mabilis na pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng libreng tawag, text at data para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga bansang apektado ng tensyon sa Middle East at sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Saklaw ng “Libreng Tawag Program” ang mga OFW sa Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates at Saudi Arabia upang makausap nila ang kanilang mga mahal sa buhay nang walang dagdag na gastos.

Ayon kay NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, pinuri ng komisyon ang agarang pagtugon ng mga telecommunication company (Globe Telecom, PLDT/Smart at DITO Telecommunity), na nag-activate na ng libreng tawag bilang suporta sa direktiba ng Pangulo.

Hinimok din ng NTC ang mga telco na maglagay ng libreng call stations sa ilang mall-based business centers para magamit ng mga pamilya ng OFWs.

Patuloy din aniyang imomonitor ng komisyon ang implementasyon ng programa upang matiyak na makikinabang ang mga OFW at kanilang pamilya sa nasabing tulong ng pamahalaan.