Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na humihiling ang nasa 800 overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East para sa repatriation.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakahanda na para sa repatriation ang 800 OFWs na mula sa limang bansa.
Nakikitang hamon sa ngayon sa pag-repatriate sa mga OFW ay ang land crossing, dahil tatlo mula sa limang bansa ay sarado ang airspace kabilang na sa Kuwait, Bahrain at Israel.
Sinabi rin ng kalihim na limitado ang commercial flights na pinapayagan ng Qatar at United Arab Emirates sa pamamagitan ng air corridors.
Tumutulong naman aniya ang mga opisyal ng DMW at OWWA sa DFA ambassadors na nasa ground para maasistihan ang mga OFW na maisagawa ang land crossing sa Kuwait, Bahrain at Israel.
Ang mga OFWs naman na makakalabas mula sa Kuwait, Bahrain at Qatar ay isasakay sa chartered flight sa Saudi Arabia.
Samantala, ayon kay Sec. Cacdac, nasa kabuuang 12,000 Pilipino sa Gitnang Silangan ang nabigyan na ng tulong kabilang ang mga stranded sa mga hotel, ang mga nangangailangan ng pagkain, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan at ang mga humihiling sa mga Migrant Workers Office ng pansamantalang accommodation o transportasyon.
Inihayag ng kalihim na nasa 442 OFWs sakay ng dalawang chartered flights mula sa United Arab Emirates ang napauwi na sa bansa habang isang chartered flight naman sa Saudi Arabia ang napauwi ang nasa 340 OFWs.
Habang nakatakdang aregluhin ng gobyerno ng Pilipinas ang panibagong flight mula sa Saudi Arabia ngayong weekend.
















