Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na may 3,000 Pilipinong tripulante ang nananatiling stranded sa Strait of Hormuz.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi hinostage o binihag ang mga ito.
Sa halip, patuloy aniya ang kanilang trabaho gayundin ang pagbibigay ng kanilang mga benepisyo at sweldo sa kani-kanilang pamilya.
Tiniyak naman ni Sec. Cacdac na mayroong sapat na suplay ang mga Pilipinong seafarer at minomonitor ang mga ito 24/7 sa pamamagitan ng kanilang licensed manning agencies at shipowners.
Ginarantiya rin ng kalihim na seaworthy ang mga barko ng stranded seafarers at iniulat na ligtas sila sa gitna ng pananatili nila sa loob ng Persian Gulf.
Sa ngayon, nakalabas na aniya ang mahigit 3,700 seaferers mula sa Strait of Hormuz. Bagamat inatake ang dalawang barkong may lulalng 15 tripulante bawat isa, nagawang makalabas ng mga ito noong Hulyo 6 at 7.
















