-- Advertisements --

Nakauwi na sa Pilipinas ang 38 Pilipinong tripulante ng MV Hondius matapos makumpleto ang kanilang quarantine sa Netherlands matapos makapagtala ng mga kaso ng hantavirus sa barko.

Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ligtas na nakabalik ang mga seafarer sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nag-negatibo rin sila sa hantavirus bago isinailalim sa quarantine.

Sinabi rin ni Cacdac na patuloy na matatanggap ng mga tripulante ang kanilang sahod para sa natitirang bahagi ng kanilang kontrata at mananatili silang empleyado ng kanilang shipowner.

Sa kabatiran ng publiko, ang hantavirus ay karaniwang naipapasa mula sa mga daga patungo sa tao. Ngunit ayon sa WHO, walang naiulat na presensya ng daga sa barko, kaya’t sinusuri ang posibilidad ng bihirang human-to-human transmission, partikular na kaugnay ng Andes strain na matatagpuan sa ilang bahagi ng Latin America.