-- Advertisements --

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) nitong Huwebes ang pagtatapos ng hantavirus outbreak na kaugnay ng isang cruise ship matapos makumpleto ng huling naitalang na-exposed sa sakit ang kanyang quarantine at magnegatibo sa virus.

Ayon sa WHO, umabot sa 13 katao ang nahawahan sa outbreak habang tatlo ang nasawi.

Ang outbreak ay iniugnay sa Andes virus, isang bihirang uri ng hantavirus na karaniwang matatagpuan sa Argentina at Chile.

Nagsimula ang insidente matapos umalis ang cruise ship na MV Hondius mula sa Argentina noong Abril 1.

Sa mga sumunod na linggo, nakapagtala na nang mga kaso ng impeksyon sa mga pasahero at crew na kalaunan ay na-trace at isinailalim sa monitoring at quarantine.

Sinabi ng WHO na matapos ang negatibong resulta ng huling na-exposed sa sakit at pagtatapos ng quarantine period, wala nang natukoy na bagong kaso ng hantavirus, kaya’t opisyal nang tinatapos ang outbreak.

Ang hantavirus ay isang sakit na naipapasa sa tao mula sa mga hayop, partikular sa pamamagitan ng exposure sa ihi, dumi, o laway ng mga infected na daga, at maaaring magdulot ng malubhang respiratory illness.