Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang huling tatlong Filipino seafarers na sakay ng barkong na stranded sa Iran sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating noong Lunes ang tatlong seafarers sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sakay ng Qatar Airways.
Sinalubong sila ng kanilang mga pamilya, mga opisyal ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, at mga kinatawan ng kanilang manning agency.
Pagdating sa bansa, binigyan ang mga seafarer ng tulong pinansyal, medical assistance, at iba pang suporta para sa kanilang kalagayan.
Isasailalim din sila sa medical check-up at psychosocial assessment upang matulungan silang makabangon matapos ang pinagdaanang insidente.
Magugunitang ang mga Pilipinong tripulante ay bahagi ng crew ng Liberia-flagged vessel na Epaminondas, na nasangkot sa isang security incident habang dumadaan sa Strait of Hormuz noong Abril 22, kasabay ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Nauna nang nakauwi ang pitong iba pang Pilipinong crew members sa magkakahiwalay na batch noong Hunyo 21, 22, at 25.
Samantala, sinabi ng Maritime Industry Authority na mayroon pang mga Pilipinong seafarer na nananatiling stranded sa ilang lugar na apektado ng tensyon, kabilang ang Strait of Hormuz, Red Sea, at iba pang bahagi ng Middle East.
Ayon sa mga awtoridad, ligtas ang mga ito at may sapat na suplay ng pagkain at inuming tubig habang nagpapatuloy ang mga hakbang upang mapayagang makabiyahe muli ang mga barkong naantala sa lugar.
















