Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas na nakalabas ng Persian Gulf ang 1,100 na Pilipinong tripulante.
Ito ay sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan, na sumiklab noong Pebrero 28.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, malaking bilang ng mga Pilipinong seafarers na nakalikas na ay sakay ng mga barkong naglalayag sa Strait of Hormuz kabilang ang limang cruise ships na may lulang 800 Pilipinong tripulante.
Nagsagawa aniya ng precautionary measures sa galaw ng mga barko, kung saan nagbago ng mga ruta ang mga ito o umalis mula sa high-risk areas.
Ipagpapatuloy naman ng DMW ang masusing pag-monitor sa paglalayag ng mga barkong may lulang mga Pilipinong seafarer sa pamamagitan ng marine traffic systems.
Patuloy ding makikipag-ugnayan ang ahensiya sa manning agencies at shipowners para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino tripulante.
Mananatiling bukas din ang communication lines ng DMW para sa mga apektadong tirpulante at kani-kanilang pamilya.















