-- Advertisements --

Nanawagan ang National Unity Party (NUP) sa House of Representatives na magsumite sa Senado ng isang mas matibay na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na mas mainam aniya kung may bagong ebidensya.

Ayon kay NUP Chairman at House Deputy Speaker Rep. Ronaldo Puno, ang impeachment ay seryosong proseso na dapat nakabase sa malinaw at kapani-paniwalang ebidensya.

Hindi susuporta ang NUP sa kaso kung mahina at hindi matibay ang ebidensya, upang maiwasang ma-dismiss ito sa Senado at hindi maapektuhan ang kredibilidad ng proseso.

Binigyang-diin ni Puno na hindi nagbago ang posisyon ng partido sa impeachment at patuloy nilang susubaybayan ang hearings, at umaasang ilalabas ng Committee on Justice ang mas matibay na ebidensya o ang posibleng ‘smoking gun’ bago ito dalhin sa Senado.

Ang NUP at Lakas-CMD ang pangunahing tagapagsulong ng impeachment noong nakaraang 19th Congress, ngunit idineklara ng Supreme Court noong 2025 na unconstitutional ang kaso dahil sa teknikalidad.

Matatandaan, nauna nang idineklara ng justice panel na sapat sa anyo at nilalaman ang dalawang impeachment complaints laban sa Bise Presidente.