-- Advertisements --

Mahigpit na mino-monitor ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng humigit-kumulang 6,300 Filipino seafarers na sakay ng mga barkong naglalayag sa high-risk areas sa Middle East, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Kabilang sa binabantayan ng ahensya ang isang nawawalang Pilipinong tripulante.

Ayon kay Sec. Cacdac, nakipag-ugnayan na ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya ng nawawalang tripulante habang nagpapatuloy ang search and rescue operations na pinangungunahan ng Omani Navy sa lugar kung saan naganap ang pag-atake.

Minomonitor din ng DMW ang tatlong barko na nakahimpil sa Strait of Hormuz, Gulf of Oman, at Persian Gulf, na idineklarang “warlike operations areas.”

Dahil dito, may karapatan ang mga seafarer na tumangging maglayag sa mga mapanganib na lugar, habang inaatasan ang shipowners na magpatupad ng dagdag na seguridad at mas mataas na kompensasyon sa oras ng pagkamatay o kapansanan ng tripulante.

Iginiit ng DMW na nakahanda ang contingency plans ng pamahalaan para sa OFWs sa conflict zones.