-- Advertisements --

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na ang testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang maaaring magbigay ng direktang implikasyon sa umano’y pagkakasangkot ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin sa lumalaking flood control scandal kung sakaling bumalik sa bansa si Bonoan.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Lacson na ang mga alegasyon laban kay Bersamin ay kasalukuyang nakabatay lamang sa “triple hearsay.” Ayon sa kanya, ang ulat na si Bersamin umano ang humawak ng P52 billion insertions ay nakasaad lamang sa salaysay ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, batay sa kwento umano ni dating DepEd Undersecretary Trygve Olaivar, na nagsabing narinig niya ang pag-uusap nina Bonoan at Bersamin.

Binigyang-diin ni Lacson na ang tanging makapagbibigay ng direktang testimonya laban kay Bersamin ay si Bonoan lamang.

Si Bernardo ang umano’y naghawak sa distribusyon ng P52 billion kickbacks mula sa halos P100 billion fund insertions sa 2025 national budget batay sa naunang in-exposé ni Lacson.

Matatandaan na umalis si Bonoan sa bansa matapos magbitiw sa DPWH habang umiinit ang isyu. Nasa Estados Unidos umano ito ngayon matapos dumaan ng Taiwan, kasama ang kanyang asawa para sa medical procedure.

Aminado si Lacson na wala pang direktang ebidensiya na nagdudugtong kay Bersamin sa anomalya. Maging si Bersamin ay dati nang itinanggi ang anumang pagkakasangkot at iginiit na ang salaysay ni Bernardo ay nakabatay sa triple hearsay at walang kredibleng batayan.

Sa kabila nito, nanindigan si Lacson sa pagsuporta sa mga pahayag ni Bernardo, na nagsasabing si Bersamin umano ang “bahalang mag-asikaso” sa P52 billion insertions.