Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson noong Sabado na kabilang sa mga tatalakayin sa nakatakdang all-senators’ caucus sa Lunes ang patuloy na pagliban ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa sesyon ng Senado.
Ayon kay Lacson, kailangan muling suriin ang umiiral na mga patakaran ng Senado at alamin kung paano ito naaangkop sa sitwasyon ni Dela Rosa.
“May rules kami pag continuous absence sa committee, nawawala ang membership sa committee. As far as plenary, wala kaming rules,” ani Lacson.
Dagdag niya, “I think we should revisit the rules of the Senate para ma-incorporate ang situation like that of Senator Bato.”
Kinumpirma naman ni Senate President Vicente ”Tito” Sotto na hindi pa pumapasok si Dela Rosa sa Senado mula noong Nobyembre 11, 2025, at wala pang tiyak na pahayag kung kailan siya babalik.
Noong kaarawan niya, sinabi ni Dela Rosa na siya ay “waiting for a true seeking for justice,” kaugnay ng posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity na kinasasangkutan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung maaalala kasama sa dokumento na ibinaba ng ICC noong Pebrero na sina Dela Rosa at Sen. Bong Go ang posibleng co-perpetrators ng dating Pangulo para sa kampaya nitong ”war on drugs.”
Dagdag pa ni Lacson, tatalakayin din sa caucus kung paano dapat makipag-ugnayan ang Senado sa Embahada ng China matapos ang mga tensiyon sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at China.
Sinabi rin ng senador na wala siyang balak tumakbo sa 2028 national elections at plano niyang magretiro sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2031.
“I’m nearing the twilight of my career. I plan or intend to finish my public service career in 2031 when my current or first term ends,” dagdag niya.
Ginawa ni Lacson ang mga pahayag sa kamakailang alumni homecoming ng Philippine Military Academy, kung saan lumahok si Lacson bilang miyembro ng Matatag Class of 1971, ngunit hindi dumalo si Dela Rosa, graduate ng Sinagtala Class of 1986.
Kasama rin sa event si Joe Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police at miyembro ng Tanglawdiwa Class of 1992.
















