Pinuna ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Huwebes ang mga nag-akusa sa kanya kaugnay ng flood control scandal.
Dumalo siya sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ng kanyang plunder case sa Department of Justice (DOJ).
Ayon sa kampo ni Revilla, kinukwesyon nila ang reklamong plunder dahil ang kanyang mga co-respondents na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at mga dating DPWH Engr. na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia ay pinalaya matapos maging state witnesses.
Dahil dito, si Revilla na lamang at sina John at Jane Does ang nananatiling respondent sa kaso.
Binanggit din ng kanyang tagapagsalita na may mga pagkakaiba sa mga pahayag ni Bernardo, kabilang ang petsa, halaga ng pera, at bilang ng deliveries na nauna nang sinabi nitong ibinigay sa dating senador.
Nilinaw naman ng DOJ na hindi pa opisyal na na-discharge ang mga state witnesses hangga’t hindi nila naibibigay ang Certificate of Materiality mula sa Witness Protection Program.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, hindi rin ang media ang tamang forum para sa mga tanong ng kampo ni Revilla.
Samantala, ikinasa naman ang protesta nang mga tagasuporta ni Revilla sa harap ng DOJ at nanindigan na ang dating DPWH officials ang nararapat na makasuhan.
Kaugnay nito nakatakda naman ang susunod na pagdinig sa Pebrero 20, 2026.
















