Ikinababahala ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa ingay ng pulitika at kaliwa’t-kanang isyu ng korapsyon.
Tinukoy ng mambabatas ang hindi pagkaka-abot ng Pilipinas sa target nitong gross domestic product (GDP) noong 2025 na dapat sana ay 5.7%.
Sa halip, umabot lamang aniya sa 4.5% ang nakuha ng bansa, o mahigit isang porsyentong (1%) mas mababa.
Posible rin aniyang mas mababa pa rito ang maaabot na GDP ngayong unang quarter ng 2026 dahil hindi rin bumubuti ang sitwasyon sa bansa.
Inihalimbawa ng mambabatas ang epekto ng flood control scandal sa sektor ng paggawa, construction, at mga kaugnay na industriya, na aniya’y unti-unting nakakaramdam ng direktang epekto ng korapsyon, kasama na ang pagtigil sa mga large scale infrastructure project habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa usapin ng pulitika, unti-unti na rin aniyang nararamdaman ng pamahalaan ang pagkawala ng tiwala ng mga mamumuhunan, dahil sa tuloy-tuloy na away pulitika, lalo na sa pagitan ng administrasyong Marcos at ng kampo ni Vice President Sara Duterte.
















