Napadalhan na ng Senate Blue Ribbon Committee ng kopya ng report nito ang bawat senador, kasunod ng ilang serye ng pagdinig sa nabunyag na flood control scandal.
Ayon sa committee chair na si Sen. Panfilo Lacson, tig-isang kopya ang ibinigay sa bawat senador, habang iniiwasan din ng komite ang katulad ng nangyari noon na nagkaroon ng leak ng draft report.
Ayon sa batikang senador, walang malaking diperensiya o pagkakaiba sa nilalaman ng draft report na ipinadala ngayon sa bawat senador kumpara sa nilalaman ng nag-leak na ulat.
Ang ilan lamang sa mga binago aniya ay ang mahalagang bahagi ng report kung saan inirerekumenda ng kumite ang paghahain ng kaso laban sa ilang malalaking personalidad, tulad nina dating Senate President Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, atbpa.
Sa halip na ‘recommended for filing of charges’, pinalitan lamang aniya ito ng katagang ‘recommended for preliminary investigation’ dahil walang kapangyarihan ang komite na magrekomenda para sa paghahain ng kaso kungdi irekumenda lamang ang pagsasagawa ng PI sa mga personalidad.
Wala aniyang malaking impact ang naturang pagbabago sa kabuuang nilalaman ng naturang report, habang wala ring natanggal na pangalan mula sa unang nag-leak na report.
Niliinaw din ng senador na walang anumang pressure na nagtulak sa komite upang baguhin ang unang ulat.
Sa ngayon ay may ilang senador nang nangako na pipirma sa naturang report, inaasahang tatalakayin ngayong araw (Feb. 18) sa plenaryo ng Senado.
















