Nilinaw ni Solicitor General Darlene Berberabe na ang pagpasok muli ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kaso ni dating Pang. Rodrigo Duterte ay hindi dapat ituring bilang panibagong hakbang ng Pilipinas para bumalik sa International Criminal Court (ICC).
Giit ni SolGen Berberabe, tinutupad lamang ng OSG ang mandato nito na magsilbing kinatawan o abogado ng executive branch.
Paglilinaw pa ng batikang abogado, ang pagpayag ng Supreme Court na katawanin muli ng OSG ang gobiyerno ukol sa kaso ng dating pangulo ay isa lamang normal na procedure, lalo na at hindi aniya ‘normal na gawa’ ang naunang pag-recuse ni dating SolGen. Menardo Guevarra sa naturang kaso.
Sa kasalukuyan ay kailangan aniya ng masinsinang pag-uusap sa pagitan ng OSG at ang mga inihabla na sina dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, dating Executive Secretary Lucas Bersamin, atbpang matataas na opisyal at malalapit kay PBBM.
Nanindigan si Berberabe na ang pagtayo muli ng OSG sa naturang kaso ay hindi nangangahulugang nagpalit o nagbago ng posisyon ang gobiyerno ukol sa ICC jusrisdiction laban sa dating pangulo, kasunod ng naunang recusal ng kaniyang pinalitang SolGen.
Hindi aniya ito ang unang pagkakataon na mangyari ang kahalintulad na sitwasyon, at nakahanda rin ang OSG na ipaliwanag ito sa korte.
Maalalang pinalitan ni Berberabe si Guevarra, ilang linggo matapos ang kontrobersyal na pag-recuse ng dating SolGen.















