Nilinaw ni Atty. Nicholas Kaufman, lead defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya binabayaran ng “bags-bags ng pera” sa pagdepensa sa dating Pangulo.
Ito ang naging paglilinaw ng abogado sa isang panayam sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands matapos bisitahin ang dating Pangulo, na nakatakdang ipagdiwang ang kaniyang ika-81 kaarawan sa Marso 28.
“If I was being paid bags and bags of money, trust me, I wouldn’t be going around it a bicycle. I would be going around in a Mercedes or a Bentley or something more appropriate,” ayon sa British-Israeli lawyer.
Nilinaw din ni Kaufman hindi siya tumanggap ng malaking halaga ng pera para sa kaniyang serbisyo kahit na tumayo siyang abogado sa high profile cases nina dating Congo Vice President Jean Pierre Bemba at dating Central African Republic Minister Maxime Mokom sa International Criminal Court (ICC).
Saad pa ni Kaufman na isa lamang siyang simpleng tao.
Madalas ngang nakikita ang lead counsel ng dating Pangulo na naka-bisikleta lamang patungo sa Scheveningen Prison. Sa mga nakalipas ding araw napansin ang parehong damit na isinusuot ni Kaufman. Paliwanag niya, dahil sa nagpapatuloy na giyera sa kanilang bansa sa Israel, hindi siya makabalik sa ngayon para kumuha ng gamit.
Kabilang kasi ang British-Israeli lawyer sa mga pasaherong patungo sa United Arab Emirates na na-stranded sa the Hague sa gitna ng kanselasyon ng flights mula at patungong Gitnang Silangan nitong weekend dahil sa nagpapatuloy na air strikes.
















