Nasabat ang halos P48-M na halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa ikinasang maritime law enforcement operation sa katubigan ng Brgy. Inogbong, Bataraza sa Palawan nitong Linggo, Setyembre 27.
Nahuli sa akto umano ang anim na naarestong suspek habang ibinabyahe gamit ang isang motor launch ang mga kargamentong naglalaman ng nasabing kontrabado, kung saan narekober ang 38,041 reams ng ipinuslit na sigarilyo na may tinatayang halaga na P47,931,660, batay sa sanib-pwersang operation ng PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, at iba pang law enforcement and intelligence units.
Kabilang din sa nasamsam ng awtoridad ang 900 litro ng diesel na may tinatayang halaga na P106,200 na maaari umanong ipinuslit din.
Samantala, isinailalim na sa kustodiya ng pulis ang anim na kataong inaresto ng pulisya para sa imbestigasyon at dokumentasyon.
Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang mga kontrabando at ang ginamit na motor launch boat sa umano’y pagpupuslit nito.
Mariing ipinahayag naman ng PNP na pursigido nitong ipagpapatuloy ang mga enforcement operation katuwang ang iba pang mga ahensiya lalo na sa mga rutang madalas ginagamit ng mga nagpupuslit ng kontrabando.
“This operation shows what can be achieved when our agencies share information and act together. Hindi lang ito tungkol sa isang shipment; it is also about protecting legitimate businesses and making sure that our laws are properly enforced,” dagdag pa ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Maaari namang maharap ang anim na nasasakdal sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 12022, Republic Act 10643, Presidential Decree 1865, at iba pang kaugnay na panglalawigang ordinansa.
















