Pinag-iisipan ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na humiling ng dokumento kaugnay ng diumano’y partisipasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa kaso sa International Criminal Court (ICC).
Maaaring idulog ang isyu sa Pre-Trial Chamber I o sa Trial Chamber kung makumpirma ang kaso.
Ipinakita ni Kaufman ang mga pahayag ni Trillanes at ni dating Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla, bilang ebidensya ng koordinasyon ni Trillanes sa ICC, kabilang ang pagpapakilala sa ICC personnel at pagtalakay sa proteksyon ng mga testigo.
Binanggit rin ni Kaufman ang matinding pagkasuklam ni Trillanes kay Duterte bilang motibo sa pakikilahok sa kaso.
Matagal nang ipinapahayag ng kampo ng dating Pangulo ang diumano’y politikal na motibo sa kaso, habang pinaaalalahanan ng mga abogado ng biktima at Malacañang na nagsimula ang kaso noong 2017.
Ayon kay Kaufman, dapat suriin ang ugnayan ni Trillanes sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at kasalukuyan niyang pinag-iisipan kung hihilingin ang karagdagang dokumento mula sa Office of the Prosecutor.
Samantala nauna nang iginiit ni Kaufman, hindi dapat ituloy ang kaso laban sa kanyang kliyente dahil kulang sa “substantial grounds” ang ebidensya upang umusad sa paglilitis.
















