-- Advertisements --

Inihayag ng Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na bibigyan nila ng “complete freedom and authority” ang mga bansa sa Arab at Europe sa Strait of Hormuz kung papalayasin ang ambassador ng Israel at U.S.

Ginawa ng IRGC ang pahayag kasunod ng pahayag ni U.S. President Donald Trump na ang giyera sa Gulf region ay malapit nang matapos bunga ng mga demonstrasyon sa pag-talaga sa bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei.

Ayon sa IRGC, hindi nila pahihintulutan ang pag-export ng langis mula sa rehiyon kung magpapatuloy ang mga military action ng Estados Unidos at Israel.

Sinabi rin ng IRGC na sila ang magpapasya sa pagtatapos ng digmaan sa West Asia, at hindi ang Amerika.

“It is we who will determine the end of the war,” ayon sa pahayag na inilabas ng IRGC.

“The equations and future status of the region are now in the hands of our armed forces; American forces will not end the war, dagdag nito.

Ang strait of Hormuz ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo, na nag-uugnay sa pangunahing Gulf oil producers papunta sa Gulf of Oman at Arabian Sea.

Samantala, sumipa na sa $120 kada bariles ang krudo sa 10-araw na labanan ng U.S. at Israel laban sa Iran.

Kung saan nagdulot ito ng bagong pangamba sa pandaigdigang merkado ng enerhiya na umabot sa $119.50 kada bariles ang presyo ng Brent crude.

Bagama’t bumaba ang presyo sa humigit-kumulang $100, noong Martes, mahigit 20% naman itong tumaas kumpara noong nagsimula ang digmaan noong Pebrero 28.

Hirap narin ang mga Gulf oil producers dahil sa mga nasirang site mula sa mga nakaraang pag-atake ng Iran.