-- Advertisements --

Magtutulungan ang Office of the Solicitor General (OSG) at Office of the Ombudsman upang mabawi ang mga yaman na pinaniniwalaang nakamkam ng mga opisyal at indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control project.

Ayon kay Solicitor General Darlene Berberabe, batid ng pamahalaan na may mga pagtatangkang harangin ang proseso, ngunit iginiit niyang hindi matitinag ang kanilang mandato na ipanumbalik ang ari-ariang nakuha sa pamamagitan ng katiwalian.

Ang anumang mare-recover ay dadalhin sa National Treasury para muling magamit na pondo sa mga programa ng gobyerno.

Samantala, ilang minority senators ang nagpahayag ng pangamba dahil umano’y hindi malinaw sa batas ang mekanismo ng pagbawi ng illegally acquired wealth mula sa mga dawit sa korapsyon.

Gayunman, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na obligasyon ng mga nagnanais maging testigo na magsauli ng anumang yaman na nakuha sa ilegal na paraan, bilang patunay ng kanilang buong pakikipagtulungan sa pamahalaan.