-- Advertisements --

Ikinatuwa ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang pag-apruba ng panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng ilang kundisyon.

Ayon kay Romualdez, makatutulong ang panukala upang magkaroon ng mas mabilis na tugon ang Pangulo sa krisis sa langis at pabagu-bagong presyo nito, at makapagbigay ginhawa sa publiko lalo na sa mahihirap at bulnerableng sektor.

Sinabi ni Romualdez na ang pagsuspinde o pagbabawas ng excise tax ay maaaring magpababa ng presyo ng langis sa retail ng humigit-kumulang P6 hanggang P10 kada litro.

Ang House Bill No. 5779 ni Romualdez ay isa sa 15 panukalang batas at dalawang joint resolution na tinalakay ng House Committee on Ways and Means. Sa kanyang panukala, iminungkahi niya ang tuluyang pag-alis ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang magkaroon ng pangmatagalang ginhawa ang publiko.

Gayunman, kinilala rin ng Leyte solon ang pangangailangan ng pamahalaan na patuloy na umasa sa bilyong pisong koleksyon mula sa excise tax upang pondohan ang mahahalagang serbisyong panlipunan.

Nanawagan din si Romualdez sa mga kumpanya ng langis na ihayag ang dami ng kanilang kasalukuyang imbentaryo kung saan nakabayad na ng excise tax.

Aniya, mahalagang malinaw na ipaalam ng mga kumpanya kung aling stock ang ibebenta na may excise tax at alin sa mga darating na suplay ang ibebenta nang wala na upang maayos na magabayan ang publiko.