-- Advertisements --

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na handa siyang akuin ang pagkapangulo kung magbitiw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng mga isyu ng korapsyon at iginiit na malinaw ang kanyang mandato.

Kasabay nito, tinuligsa niya ang panawagan ng ilang progresibong grupo para sa sabay nilang pagbibitiw, gayundin ang mga mungkahing transition council at caretaker government. Aniya, tungkulin niyang “ipagtanggol at panatilihin ang Konstitusyon” at hindi siya sasali sa anumang extra-constitutional na hakbang.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na “hindi opsyon” ang pagbibitiw ni Marcos, matapos akusahan siya ng kapatid niyang si Sen. Imee Marcos ng paggamit ng ilegal na droga.

Kasunod nito, hinimok ni Duterte ang Pangulo na sumailalim sa drug test upang malinawan ang publiko.

Nagboluntaryo rin siyang samahan ang Pangulo sa pagpapa-drug test.

Noong 2021, naglabas si Marcos Jr. ng negatibong drug test matapos hamunin ang mga presidential candidate na patunayan na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga. (report by Bombo Jai)