-- Advertisements --

Masusing tinalakay ng mga lider ng Kamara ang umano’y daloy ng P125 milyong confidential funds sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng ikatlong impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Sa pagdinig, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na maaaring walang agad na makitang iregularidad sa paglipat ng pondo sa Office of the Vice President (OVP), dahil bahagi ito ng tungkulin ng ahensya na mag-disburse ng pondo at pumirma sa mga kinakailangang dokumento.

Gayunman, binanggit niya ang alegasyon sa reklamo na ang P125 milyon ay inilagay sa apat na traveling bags at dinala sa OVP sa iisang araw. Ayon sa reklamo, iniutos umano ng Bise Presidente kay Special Disbursing Officer Gina Acosta na ilabas ang halaga pabor kay Col. Raymund Lachica, hepe ng kanyang security group.

Tinanong ni Chua kung ano ang papel ni Lachica sa nasabing pondo at kung may dapat bang makita na “diperensya” sa naturang transaksyon. Tinukoy din niya ang affidavit ni Ramil Madriaga, na inilarawang umano’y bagman ng Bise Presidente, kung saan nakadetalye umano ang sinasabing distribusyon ng pondo. (report by Bombo Jai)