-- Advertisements --

Dapat umanong maging legacy ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsusulong ng isang tunay na Anti-Political Dynasty Law.

Ito ang inihayag ni Atty. Howard Calleja, co-convenor ng 1SAMBAYAN, matapos utusan ng Korte Suprema ang dalawang kapulungan ng Kongreso na magpasa ng naturang batas kaugnay ng halos apat na dekada nang kawalan ng aksyon ukol dito.

Binigyang-diin ni Calleja na hindi nila tatanggapin ang anumang panukalang batas na lalabag o kontra sa tunay na kahulugan at layunin ng probisyon laban sa political dynasty.

Dagdag pa ng abogado, bagamat nagbigay ang Kataas-taasang Hukuman ng mga panuntunan at suhestiyon na maaaring gamiting gabay ng mga mambabatas, nilinaw niya na hindi direktang mauutusan ng korte ang Kongreso kung ano ang magiging pinal na depinisyon nito.

Ayon sa grupo, nananatili sa kamay ng mga mambabatas ang pagbalangkas ng probisyon ngunit nararapat lamang na sundin ng pamahalaan ang atas ng Konstitusyon upang tuluyang wakasan ang monopolyo sa kapangyarihan sa bansa.