Muling pinanindigan ng Department of Justice (DOJ) ang kaniyang legal na hakbang sa pagsasampa ng mga criminal case kontra kay Vice President Sara Duterte sa hukuman.
Sa isang panayam, iginiit ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na mayroong prima facie evidence o sapat na mabigat na ebidensya ang prosekusyon upang ituloy ang kaso at iakyat ito sa proseso ng korte. Binigyang-diin ni Martinez na mandato ng kagawaran na ihain ang kaukulang demanda kapag natukoy ng mga prosecutor na sapat ang mga patunay laban sa isang inirereklamo.
Magugunitang tuluyan nang sinampahan ng DOJ ang Bise Presidente ng tatlong bilang ng kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court.
Ugat nito ang hayagang pagbabanta ng Pangalawang Pangulo sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nitong Agosto 25, isinagawa ng QC RTC ang oral arguments para sa inihain ng kampo ng Bise Presidente na mosyon at manipestasyon na hihilinging ibasura na lamang ang kaso at pigilan ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa kaniya. Gayunman, nananatiling matatag ang DOJ na sapat at matibay ang kanilang mga ebidensya upang umusad ang litis.














