Inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakabagong datos mula sa 2025 National Demographic and Health Survey (NDHS) na nagpapakita ng patuloy na pagbaba ng fertility rate ng mga kababaihang Pilipino sa 1.7 na anak kada babae, ang pinakamababang naitalang antas sa kasaysayan.
Mula sa 4.1 anak kada babae noong 1993, tuloy-tuloy ang pagbaba ng fertility rate sa nakalipas na dekada.
Sa kasalukuyan, mas mababa na ito sa replacement level na 2.1 na kinakailangan upang mapanatili ang kasalukuyang populasyon, na nagdudulot ng mga katanungan kung paano lalago ang populasyon ng bansa sa hinaharap.
Ayon sa survey ng ahensya, bumaba ang fertility rate sa parehong urban at rural na lugar, kung saan ang kababaihan sa mga lungsod ay may average na 1.5 anak, habang ang mga nasa rural na komunidad naman ay mayroong 2.0 anak.
Pinakamataas ang fertility rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na 2.4 anak kada babae, sinundan ng Region IV-A (1.3), National Capital Region, at Negros Island Region (1.4).
Ipinapakita rin ng survey na mas huli na ngayon sa prayoridad ng mga kababaihan ang pagkakaroon ng anak. Pinaka-karaniwan ang panganganak sa edad 25 hanggang 29, habang nananatiling mababa ang adolescent fertility sa 22 na panganganak kada 1,000 kababaihang may edad 15 hanggang 19.
Bumaba rin ang teenage pregnancy, na may 4.9% ng mga batang babae 15–19 taong gulang ang nakaranas nang pagbubuntis.
Lumilitaw sa survey na mas maraming kababaihang Pilipino ang pinipiling magkaroon ng mas kaunting anak.
Ayon sa datos, 57.3% ng mga may-asawang babae ang nagsasabing hindi na nila nais na dagdagan ang kanilang anak, habang 13.4% lamang ang nagnanais ng isa pang anak sa susunod na dalawang taon.
Tumaas din ang paggamit ng modern contraceptives sa mga may-asawang babae sa 44.5%.
Saklaw ng 2025 NDHS ang 29,694 kababaihan edad 15 hanggang 49 sa buong bansa, bahagi ng mahigit 30,000 kababaihan na sinaliksik mula 2022 hanggang 2025.
Sa parehong konteksto ng gastusin at kita ng bawat pamilya, iniulat ng PSA na ang average annual family income noong 2023 ay P353,230, habang ang average family expenditure naman ay pumapalo sa P258,050.
















