-- Advertisements --

Tinatayang lolobo sa 123.96 milyon ang kabuuang populasyon sa Pilipinas pagsapit ng taong 2035.

Base sa pinakabagong ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang tataas ng 0.85% kada taon ang populasyon sa bansa mula noong 2020 hanggang 2035, kung saan ang CALABARZON Region pa rin ang inaasahang pinakamataong rehiyon sa buong bansa.

Lumalabas sa datos ng PSA, ang male population pagsapit ng 2030 ay tinatayang aakyat sa 62.64 million habang sa mga kababaihan naman ay inaasahang papalo sa 61.32 million.

Karamihan sa mga rehiyon ay inaasahang mapapanatili ang mas mataas na bilang ng male population pagsapit ng 2035 maliban sa Metro Manila at BARMM na tinatayang mauungusan ng mga populasyon ng mga kababaihan.

Samantala, noong 2020, iniulat ng PSA na nasa siyam na rehiyon ang mayroong populasyon na lagpas sa 5 million, subalit pagsapit ng 2035, ang naturang datos ay tataas sa 12 rehiyon kabilang na sa Eastern Visayas, South Cotabato, Cotabato, Cotabato City, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos City (SOCCSKSARGEN), at BARMM.