-- Advertisements --

Uminit ang palitan ng salita sa pagitan ni Atty. Levito Baligod at dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng umano’y paglabag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Article 70 ng Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).

Ang isyu ay lumitaw matapos ilabas ng defense team ang mga larawan at pagkakakilanlan ng ICC investigators, bagay na tinutulan ni Trillanes bilang isang malinaw na paglabag sa batas ng korte.

Sa kanyang pahayag, tinanong ni Baligod ang batayan ng argumento ni Trillanes: “Intindihin mo muna sana ang Article 70 na sinasabi mo, dahil ang tanong ay kung member State pa rin ba ang Pilipinas ng ICC para magamit mo yan. Pero matanong ko lang, bakit ikaw ang sumasagot para sa ICC? Close kayo?”

Hindi naman nagpaawat si Trillanes at tinawag si Baligod na “mahinang klaseng abogado.”

Aniya, tatlong beses nang nagdesisyon ang ICC Pre-Trial Chamber na may hurisdiksyon pa rin ang ICC sa Duterte case kahit hindi na miyembro ang Pilipinas.

Ipinaliwanag niyang kahit saan mang bahagi ng mundo, kapag hinadlangan ang imbestigasyon ng ICC o inilagay sa panganib ang mga testigo at personnel nito, ito ay paglabag sa Article 70. “Maliwanag na ba, Mr. Baligod?” dagdag pa niya.

Ang Article 70 ng Rome Statute ay tumutukoy sa mga krimen laban sa integridad ng mga proceedings ng ICC, kabilang ang pananakot, panggigipit, o paglalantad ng mga testigo at personnel ng korte.

Kasabay ng bangayan, lumutang ang mga bagong isyu. Kamakailan, nagbanta si Trillanes na magsasampa ng cyber libel case laban kay Baligod at sa 18 dating sundalo na umano’y nagpakalat ng alegasyong tumanggap siya ng $2 milyon mula kay dating Rep. Zaldy Co upang impluwensyahan ang ICC probe.

Samantala, sinabi ni Baligod na ang mga ICC investigators ay “wined and dined” ng mga kalaban ni Duterte, bagay na tinanggihan ng ICC prosecution team.

Ayon sa kanila, ang kanilang operasyon ay independiyente at pinopondohan ng ICC Assembly of States Parties.

Sa gitna ng mga batuhan ng akusasyon, patuloy ang paghihintay sa desisyon ng ICC kung itutuloy ang kaso sa ganap na paglilitis.